"AND ... EMOTION RUN HIGH"

Maituturing silang isang ordinaryong pamilya sa lalawigan ng Marinduque although malaki ang kanilang angkan, katulad din sila ng ibang Marinduquenos na patuloy na nagsisikap upang maka-alpas sa mahigpit na pagkakabigkis ng kahirapang simula pa sa kanilang kanunu-nunua'y kanilang kinagisnan.

Pangingisda ang buod ng kanilang kabuhayan. Ang mga miyembro ng kanilang pamilya'y maagang pumapalaot sa karagatan upang sa maagang oras ay makabalik sila kaagad sa dalampasigan dala ang bunga ng kanilang pinaghirapan. Rain or shine, ito ang hanapbuhay ng mga mamamayan sa kanilang buong barangay (verymuch dependent sila sa biyayang dagat).

Sa paglipas ng mga panahon, sa kanilang mga murang isipan, naikintal nila ang kahalagahan ng pag-aaral kaya, kahit salat sila sa maraming materyal na bagay, hindi iyon naging sagabal upang sa kanilang angkan ay may makagtapos sa mataas na paaralan at makapagpatuoly hanggang sa kolehiyo. Nag-ilang saling-lahi na ang mga nagsimulang magsikap, nagpakahirap at nagtiyaga sa maraming taon nilang pakikibaka upang mapaglabanan at maiwasan nila ang kamangmangan.

Sa gitna nang kanilang pagsusumikap, naroroon pa rin ang bakas nang pag-asang minsan, isang araw may mga miyembro sila ng kanilang pamilya na magsisilbing leader sa kanilang pagsulong tungo sa kaunlaran.

However, hindi naman ganoon kadali ang magsakatuparan ng isang pangarap, pangarap na siyang magsisilbing basehan o bahagdan tungo sa pag-unlad. Sa mga mura nilang isipan, hindi maiwawaglit ang mga panahong sa gitna nang kanilang pagpupursiging makapag-aral , sila'y naliligalig sapagkat kailangan nilang sumabak sa pag-aani ng palay sa malayong kabukiran upang sila'y may maisaing sa araw-araw. Pumapalya sila sa pagpasok sa eskuwelahan sapagkat, kung wala silang mailalaman sa kanilang tiyan, mababale-wala lang ang kanilang pag-aaral kapag sila'y magkasakit o magkaramdam.

One for all, all for one ang naging tuntunin nila sa buhay. Ang kanilang mga magulang kahit naririndi kung saan kukuha nang maisasaing o maiiulam ay hindi nagpapahalatang sila'y naliligalig. Ang walong supling (excluding one who passed-away nearly a week from birth) na kanilang inaruga at pinangalagaan hanggang sa sila'y magkaisip at magkaroon ng lakas upang makipagtulungan ay mga nagsilaking tigib ng pangarap kung papaano maibsan ang kanilang naging kahirapan sa buhay.

Tatlong babae at limang lalaki ang inasahan nilang maging pundasyon ng kanilang pamilya sakalit dumating ang kanilang mga magulang sa kanilang hangganan. Ang dalawang mas matanda (panganay na babae at sumunod na lalaki) ay napawalay sa anim nilang mga kapatid sa murang edad at sila'y lumaki sa pangangalaga ng isang mag-asawang (tiyuhin/tiyahin) na hindi nabiyayaan ng mga anak.

Sa kabilang banda, ang anim na natira sa poder na kanilang mga magulang ay lumaking may pagkakaisa, busog sa mga pangaral at pagmamahal at higit sa lahat ay may pagsusunuran. Wala silang inggitan sapagkat alam nila ang katayuan sa buhay ng kanilang pamilya. Higit sa lahat sila'y may takot sa kanilang mga magulang.

Nang magsimula silang magsipag-aral sa elementarya na ang layo'y may isang kilometro at kahalati buhat sa kanilang bahay, pumapasok sila sa eskuwela na nakatapak o walang sapin sa paa dala ng kanilang kahirapan na noon, kahit isang pares na bakya ay hindi sila maibili ng kanilang magulang.

Sa madali't-sabi, ganito ang tunay na kaanyuan nila nang mga panahong iyo'y napakahirap kitain ang sampung sentimong barya na kanilang binabaon sa araw-araw, (hating-kapatid 'ika nga na sa tatlong magkakapatid na sabay pumapasok: dalawa ang tig-tatatlong pera at ang isa nama'y apat na pera (relyebo). Kung talagang walang maibigay na baon ang kanilang mga magulang, sa dahilang meron silang laguwertahan (taniman ng gulay at halamang-ugat tulad singkamas, kamote at balinghoy o buyboy) sa kanilang likod bahay, may araw pa'y sinasabihan na sila ng kanilang nanay na bumunot ng isang punong-buyboy para mailuto na kanilang babaunin sa pagpasok kinabukasan (nakabalot sa dinarang na dahon ng saging). Kung meron namang asukal na pula o matamis na bao, ang nasabing buyboy ay gagawing sinulbot (na ang balinghoy aymaaaring palitan ng hinog na saging na sabang tiniba sa kanilang lupa sa bandang ilaya). Iyan ang kanilang pinagtiyagaang bunuin hanggang sa sila'y magsipag-aral na sa high school.

This was the actual reality of their family's life during those years, pero walang umaangal o nagrereklamo sapagkat lumaki silang gamit ay ilaw na gasera at ang kanilang kusina (abuhan) ay ang dirty kitchen. Masaya na sila kapag ang ulam ay isdang pinirito sa langis ng niyog. Kadalasan, ang kanilang pagkain ay may gata maging ito'y gulay, kanin o ulam. Kapag masama ang panahon (may bagyo) at walang makapalaot sa dagat o makapangisda, masikap at masipag ang kanilang ama at hindi niya makayang dalhin sa kanyang sarili na magsitulog na lang ang kanilang mga anak na hindi man lang kumain ng hapunan.

Sa ganitong kalagayan, bago pa man dumilim, ang kanilang ama'y umaalis na ng bahay patungo sa pangingilaw sa lalao (swamp area) na nasa kabilang bahagi lang ng sapang malapit sa kanilang bahay. Kapag masyadong malakas ang hangin na dulot ng bagyo, ang kanilang tanging tanglaw ay ang isang gaserang nakapaloob sa isang basyong balde na pinaglagyan ng gaas (petrolyo). At sa buong magdamag, ang anim na magkakapatid ay sama-samang natutulog sa iisang banig (magkakatabi) nakakulambo at may malaking kumot na tinahi sa pinagtagni-tagning katsa (supot) ng arina.

Samantala, habang ang kanilang ama'y nasa pangingilaw ng kanilang maiiulam, ang kanilang namang ina aynakapagkayod na na isang buong niyog na igagata sa anumang maiiuwing huli ng kanilang tatay. Kadalasan noon, kapag masungit ang dagat dahil sa sama ng panahon, nakaugalian na nilang kumain ng hapunan sa dis-oras ng gabi - kung kailan makakauwi ang kanilang tatay galing sa pangingilaw.

Ginigising na lang silang magkakapatid kapag nakaluto na nang ulam, (usually ginataan) kung walang huli ang kanilang tatay, kakain pa rin sila, subalit kanin lang na pinigaan ng gata at may konting asin. Walang sinuman sa anim na magkakapatid ang may lakas ng loob na magreklamo sapagkat bantad mula sa kanilang pagkabata ang sinapit nilang kahirapan. Higit sa lahat, may lubos silang paggalang sa kanilang mga magulang (ama at ina) na sa pagsapit ng dilim, (sasala ang sandok sa palayok) pero hindi nila makakalimutang magmano (humalik ng kamay - meaning, idinadampi ang kanilang noo sa kanang kamay ng kanilang mga magulang, o kahit sinong matatanda).

Ito ang tanda nang paggalang o pagsuko sa mga nakakatanda ng mga kabataan sa panahong iyon.

This narrative story continues within their family circle. Ang kanilang buong kabahayan ay may silong magkakarugtong ang kanilang kusina, salas, silid-tulugan na ang sahig ay patpat o tinilad na buyos ng kawayan. Ang kanilang silong sa bandang kusina ay nababakuran ng kawayan sapagkat doon nakaligaw ang kanilang ilang baboy na inaalagaan. Sa silong naman ng kanilang salas, ay may mga nakahilerang pugaran ng kanilang mga manok na nangingitlog. Bukod pa sa ilang baboy at mga manok, meron din silang ilang bibing pinararami. Samakatuwid, may gulayan (laguwertahan) na sila sa likod ng bahay, marami pa silang alagang mga hayup na nakakapagbigay sa kanilang pamilya ng karagdagang kita lalo na sa panahong walang biyayang naibibigay ang karagatan.

..... to be continued.....

TONY R. MONTERAS (malaking ibon)
OFW, Riyadh, Saudi Arabia

| edit post
Reactions: 
0 Responses

Post a Comment